Tuesday, September 1, 2009

Ang Libro Natin

Kinilig ka na dun?! Ang corny mo talga…” Bulong ko sa sarili.
Abnoy!” sagot ni Abbie, sabay bato ng unan sa aking ulo. “Di to corny no. kulang ka lang ng asukal sa katawan!” Sabay makeface. Inayos ko ang buhok kong nagulo dahil sa lumipad na unan, at pinagpatuloy  ang aking pagsulat.
Alam mo kuya, pag meron talagang nagsabi sakin ng ganung linya, nako! papakasalan ko na agad!” Nangangarap na sabi ni Abbie.

Abbie! Manahimik ka na nga jan. Di ako interesado sa mga prince charming mo, Di totoo ang mga nababasa mo sa libro.” Asar ko sa kanya.

He!” Sagot ni Abbie habang tutok na tutok sa librong binabasa.

Natawa ako at nagpatuloy sa pagtype sa aking computer.

Ako si Nico, Nic for short. fourth year college sa isang university sa Manila. Si Abbie ay ang pinakamatalik kong kaibigan sa balat ng Earth.. Mars hanggang Jupiter. Naging classmate ko siya nung nag first year ako ulit. Irregular ako nun, kasi lumipat ako ng course. Sa kanya, ako si “kuya” khit isang taon lang naman ang tanda ko.

***

“Excuse me, May ballpen ka ba dyan? Naiwan ko kasi yung akin sa bahay.
Sabi nya sa akin. Binigay ko sa kanya yung extra kong ballpen, kulay red.
Gamit ko na eh, Ito na lang?” Sagot ko.
Okay na to, thank you ha!” Ngiti nya sakin.

Natawa naman ako sa babaeng ito. First day of classes, walng ballpen.
Simula nun, e lagi ng ako ang kinakausap niya. Akala ko nga eh lalandi lang siya saakin nun, kaso nagduda ako nung binato nya ako ng notebook kasi natatawa siya sa joke ko. Akala ko nga nun e babae din ang hanap niya kasi sa lalaki sumasama. Pero mahaba ang buhok niya at may clip pa, kaya nagtaka ako.

Makalipas ang ilang oras, kumakain ako sa canteen nung lunch namin. Dumating siya bago ko isubo yung siomai.


“May gusto ka ba sakin?” Tanong ko sa kanya habang ngumunguya.

Hampas.

Wala lang, feeling ko lang magiging close tayo ehh. Chaka sa lahat ng mga lalaki ikaw lang ang di nagtangkang magpacute sakin” Sagot nya.
Di ako nagpacute, kasi di ka pumasa sa standards ko e..” Sabi ko. Sinakyan ang pagkafeeling close nya sakin. Isang hampas sa braso ang aking natamo.
Alam mo okay ka..” ngiti nya sakin.

Astig ang first day ko no? May magandang babae ang gustong makipagkaibigan sa akin.

Lumaki lang kasi ako sa mga kuya kong ugok. Mas kumportable ako sa mga lalaki. Masyado kasing maaarte ang mga babae e. Di ko kayang maya’t maya nasa loob ng banyo at nagpa-powder
Okay!” Sagot ko. “At least, sa lahat ng mga kakilala ko, may isa naman akong kaibigan na pangit.” Biro ko sa kanya.

Hampas.

Hindi pangit si Abbie. Sa katunayan ay kabaligtaran nya ang pangit. Maganda ang buhok nya, ang mata nya ang ngiti nya. Pero hindi ako nagtangkang magpacute sa kanya dahil simula pa lang ay kaibigan na agad ang turing niya sa akin. Isa pa, di ako pwede magpacute, kundi magiging isa ako sa mga lalaking ini-snob nya nung una.

Ano ang next class natin?” Bigla nyang tanong habang ako ay nag mumuni-muni sa harap ng aking siomai.

Binuklat ko ang aking schedule at buntong hiningang sinabi “Iba ang subject ko eh.

Di ko alam kung bakit sa gulo ng mundo ng college, e nagtagpo ang makulit na mundo namin ni Abbie. Naging magkaklase man kami o hindi, naiwan ang pagkakaibigan namin. Sa di ko malamang dahilan ay kumportable siyang maging siya pag kasama ako, at ganun din ako sa kanya. At lumpas na nga ang tatlong taon at ito parin kami.

***

Nic-nic, nakaluto na ba si tita?” Pangiistorbo nanaman ni Abbie sa aking pagcocomputer.
Pareho tayong nandito sa taas diba?” sagot ko.

At lumpad ang binabasa nyang libro na tumama sa braso ko.

Bleh!” Pangaasar nya.
Abbiebe, sa tinagal tagal nating mgkaibigan, manhid na ang katawan ko sa pangbubrutal mo.

Sabay ngiti sakin ng malupit na babae.
Pinulot ko ang libro at binato ko ulit sa kama kung saan siya nakaupo.
At bumalik sa aking computer.
Binuklat ult ni Abbie ang libro at pinagpatuloy ang pagbabasa.

Pinagpatuloy ko ang aking pagsusulat:

First year pa lang, kilala na siya saamin. Akala nga ng mama ko ay nililigawan ko si Abbie. Akala din ng tatlong kuya nya. Pero matapos maliwanagan ang lahat, okay na. Di pa rin kami makatambay sa bahay nila. Malamang diba?. Kaya dito kami sa kuwarto ko laging nakatambay. Madalas, gumagawa ng assignment, Minsan kasama ang iba pang barkada at nanonood at minsan, parang ganito, relax-relax lang. Ako, nasa tapat ng computer, at sya, ngbabasa ng mga libro nya. Tapos nito, makikilamon samin si Abbie ng tanghalian at pagtapos ay uuwi. Ako naman naiiwang pasaan minsan pa ay sugatan.


Sa Anghel na panlabas na anyo ni Abbie ay isang brutal na babae. Patawanin mo lang, may libreng hambalos ka pa.
Sa gilid ng aking mata, nakita kong binaba ni Abbie ang librong binabasa.
“Oh, Ano nanaman? Gutom ka na?” Tanong ko habang tutok pa din sa screen ng computer.
“Nic….”

Minsan nya lang ako tawaging Nic. Pag may problema ako o pag may problema sya.

Napalingon ako sa kanya. Nakatingin lang siya sa akin. Sinave ko ang ginagawa at sinara ang computer. Hinarap ko ang upuan at tinitigan ko siya sa mata.

“Hmm..Naalala mo si Mike?” Simula nya…

Si Mike ang unang unang boyfriend ni Abbie, Nagkakilala sila nung birthday nya, tatlong taon na ang nakalipas. Sa totoo lang, di ko kilala si Mike. Dinala lang ng kaibigan ng kaibigan. Niligawan ni Mike si Abbie, syempre kinilatis ko ang kumag. Pwede na. At pumasa din naman sa talong kuya ni Abbie. Panong hindi, isang taon niligawan ang bata.
Naging sila nung birthday ko. Ang saya-saya. Birthday ko, pero si Mike ang bida kay Abbie.

Ah. Yung ex mo, TWO years ago?” Sagot ko.
Nagtext siya kanina..” Tango ni Abbie.

Isang taong nanligaw si Mike, pero ang mas nakakamangha pa dun, tatlong buwan lang sila nagtagal. Di ko alam ang dahilan, at ayaw din naman sabihin sakin ni Abbie. Ayaw ko naman pilitin kasi alam kong sasabihin nya din pag handa na siya.

E ano? Wala naman kayong emotional attachments ah?” Tanong ko sa kanya.
Hmmm, ” Sagot ni Abbie
Anong Hmm..?
“Tinatanong ni Mike kung ngayon daw ba handa na ako..”
“Handa saan?”
“Na mahalin sya”
“Ha? Di mo ba siya minahal??”

Naging si Abbie at Mike nung birthday ko ng di ko alam. Nalaman ko lang nung nag uwian na ang mga bisita at ayaw na magpahatid ni Abbie sa akin. Yun pala, May ibang tagahatid na siya. Ayos yun. Di na ako mapapagod.

“Hindi ko alam..nung mga panahong yun naguguluhan pa ako eh..”
“E ngayon?” Tanong ko
“Medyo hindi na…”
“Grabe ka lang bie a, Ilang taon ka ba dapat nililigawan? Tatlong taon naghintay yung tao? Diyosa ka ba..?”

Masaya si Mike at Abbie. Alam ko dahil madalas akong chaperone ng dalawa. Nahihiya ako minsan, pero kailangan e. Gusto ko bantayan si Abbie.
At dumating ang ikatlong buwan at naghiwalay sila. Nalaman kong di ko naman pala dapat na binantayan pa ang bata dahil nung naghiwalay sila, di man lang siya naiyak.

“Ano sa tingin mo kuya?”
“Ikaw, kung san ka masaya..” Sagot ko..

Tumango si Abbie at ngumiti.

“Kuya, may lakad pala ako, pakisabi nalang kay tita, mauuna na ako ha?” Sabay tayo ni Abbie.
“Ahh.., sige..,,ingat ka ha?”

At nawala siya na parang bula.
Humarap muli ako sa computer.

Sa mga oras na ito, malamang ay alam nyo na ang sikreto ko. Oo, mahal ko si Abbie. Mahal na mahal. Pero wag nyo hulaan ang ending ng love story namin. Pinilit kong wag pansinin ang nararamdaman ko, pero matagal na ako namamangha sa pagkatao niya. May sayad siya minsan, pero maganda siya di lang sa panlabas kundi pati sa panloob. Simula nung binato nya ako ng notebook, nahulog na ang loob ko sa kanya. Ilang taon ko ng tinatago ang pag-ibig ko. Ilang lalaki na ang dumaan sa buhay ni Abbie. Ilang lalaki na ang dumaan sa harap ko, na hinayaan kong makaramdam ng pagmamahal niya.


Isa akong kaibigang sadyang duwag. Ayokong mawala siya sakin at alam kong yun ang mangyayari pag ipinilit ko ang nararamdaman ko. Alam kong malapit na kami magkahiwalay. Pag tapos ng college magiging busy na kami pareho. Makakaya ko ba na hayaan siyang mawala? Bakit di ko maipaglaban ang nararamdaman ko?

Bukas, sasabihin ko na sa kanya.
Bahala na.

Biglang tumunog ang cellphone ko. Nagtext si Abbie.


“ Nic, magkasama kami ni Mike ngayon. Sinagot ko na siya. ”


Aw. Yun lang.
Nagreply ako.

“Congrats. ”

Lumipas ang buwan. Di ko na nakakasabay si Abbie. Dahil sadya akong tanga at ipinaubaya ko siya kay Mike. Nakakasama ko siya pag nagkikita ang barkada. Nagkakausap pa din kami sa facebook. Nagkakatext ng quote. Pero pag magkaharap na kami, di ko na siya makausap. Hindi ko kaya tumingin sa mata niya. Alam kong Masaya na siya ngayon. Buti na lang at di ko na tinangkang sabihin sa kanya ang nararamdaman ko, kung hindi, malamang, mas magkakailangan kami sa isa’t isa.

Padating na ang graduation. Malapit na ang katapusan. Magkakahiwa-hiwalay na kami ng landas. Iniisp ko pa din kung hahayaan ko na lang na mauwi sa wala ang lahat. Ayokong matapos ito sa ilangan.

Isang buwan bago ang graduation. Isang araw bago ang birthday ko.

Tinext ko si Abbie: Bie, kita tayo bukas ng umaga ha, Susunduin kita dyan sa inyo. May surprise si birthday boy sayo c:

Nagreply: “Sige kuya! Treat mo ako ha!”

It’s now or never. Kailangan ko ng sabihin to, ano man ang reaksyon niya, tatanggapin ko. Mailang man siya, lumayo man siya, tatanggapin ko. Kailangan ko ng ilabas to, kung hindi, mababaliw na ako.

Nilabas ko sa box ang kwintas na ibibigay ko kay Abbie. Magkapareho kami. Isang silver necklace na may singsing na pendant. Nakaukit sa loob nito ang pangalan naming dalawa. Pangalan niya sa akin, at pangalan ko sa kanya. Pumikit ako at napabuntong hininga.

Bahala na…

Bahala na talga..


*****
Birthday ni Nic



Abbie, pikit ka..” Sabi ni Nic
“Bakit?!” Tanong ni Abby
“Basta! Bayad na ang bill, wag ka matakot, di kita lalayasan!” Tawa ni Nic.

Pumikit si Abby..

“Wag ka magmumulat hanggat di ko sinasabi”

May pinatong si Nic sa ibabaw ng mesa

“Wag mong hahawakan” sabay palo ni Nic sa kamay ni Abby
“Okay fine! Game.” Ngiti ni Abby.
“Abbie..” simula ni Nic. “May gusto akong sabihin sayo.

Tahimik lang ang dalaga.

Hinawakan ni Nic ang kamay ng dalaga at hinalikan

“Nic..”
“Shh…Hayaan mo muna ako magsalita”

Madiin ang pikit ng dalaga at bumilis ng takbo ng puso niya.

“Mahal kita, matagal na. Di ko alam paano sasabihin, ngayon lang ang naisip kong pinakamagandang araw. Di ko hinihiling na mahalin mo din ako. Gusto ko lang malaman mo, bago tayo mgkahiwalay”

“Nic..”

“Ngayon, kung gusto mo pa ako makita ulit pagkatapos mong malaman to, buksan mo lang ang mga mata mo. Pero kung ayaw mo na ako makita ulit, Wag ka muna magmumulat”

Binitawan nya ang kamay ng dalaga.

*****

Matapos umamin, binitawan ni Nic ang kamay ko. Di ako makapagsalita. Natahimik ako at parang naging yelo.
Apat na taon.
Apat.

Madaming tumakbo sa isip ko ng mga oras na yun. Di ko alam ang dapat gawin. Ang dapat isipin. Natatakot ako. Natutuwa. Sa totoo, Hindi lang ako natutuwa, Pwede na akong mamatay.

Inisip ko na lang, na kakayanin namin.
Pagmulat ko...nagulat ako, wala na si Nic.
Dali dali kong kinuha ang mga iniwan nyang gamit sa mesa.
Lumabas ako sa restaurant. Hinanap ko siya. Di ko siya makita.
Kailangan ko magpaliwanag.
Ang tanga ko. Kailangan ko magpaliwanag.

Ito lang ang nasa isip ko: Sorry Nic kung kailangan ko pa magisip, Nic naman!! nasan ka ba, Lintek, mahal din kita!!

Lumabas ako sa mall. Nakita ko siya pumapara ng taxi.

Niiiiicc!” Hindi nya ako narinig.


Hinintay ko yung stoplight.

“Niiiicccc!!!!!”

Lumingon sya.
Ngumiti ako.
Ngumiti siya.

Nag yellow ang stoplight.
Nag red.

Nagsimula ako tumawid. Tumawid din siya.
Nagkita kami sa gitna.

Gago ka ba?! Ba’t ka umalis! Nagmulat kaya ako!!” Sigaw ko sa kanya sabay palo sa braso.

Nakangisi lang ang loko.
Nakatingin lang kami sa mata ng isa’t isa. Dito sa gitna ng kalsada. Nakangiti sa isa’t isa habang palakad lakad ang mga tao sa gilid namin. Sa mga oras na ito ay ako at si Nic lang ang tao. Wala ng importante. Kami lang. Hinawakan ni Nic ang kamay ko. Hindi siya makapagsalita, pero naririnig ko ang sinasabi niya. Rinig na rinig ng puso ko ang sinisigaw ng mata nya.

Nag yellow ang stoplight.
Nag green.

Sa kaliwa at sa kanan namin umusad ang mga sasakyan. Andito parin kami sa center island. Sa tabi ng isang concrete barrier, sa ilalim ng isang puno, parang mga tanga at walang pakialam sa mundo. Tumulo ang isang luha sa mata ni Nic. Emo talaga ang loko. Ako ang mahilig magbasa ng romantic books, pero siya ata ang mas emotional sa aming dalawa. Napangiti ako at pinunasan ang kanyang luha. Hindi ko akalaing matutuloy din ang aming kwento. Sa mga oras na iyon, nagyakap kami ni Nic. Nakakatawa mang isipin, malamang ay pinagtitinginan na kami ng mga tao. Tila dalwang tauhan sa isang palabas. Tila isang scene na kinuha sa libro. Mahal ako ni Nic at wala nang mas importante pa. Ipagpapatuloy namin ang kwento. Ang dami kong gustong sabihin pero hindi ako makapgsalita. Nakangiti lang ako, at naiisip kung gano ako kaswerte. Binitiwan ako ni Nic. Tuyo na ang kanyang mga mata.

Nag yellow na muli ang stoplight.
Tinaas niya ang kamay ko at inilapit sa labi nya. Tumingin siya sa mga mata ko. Ngumiti sya. Ngumiti ako
Sabay mabilis ang pangyayari, isang malakas na busina ang gumulantang sa amin, kasabay ng mahabang preno. Isang kotche ang nawala sa lane at bigalng sumulpot sa gilid namin.
Red light.
Red light.
Tumigil ang puso ko. Tinulak ako ni Nic. Ang huli kong naramdaman ay ang pagbagsak ko sa semento.

Pagmulat ng mata, di ko matandaan kung nasaan ako. Puti. Ilaw. Swero. Ospital ito.
May benda sa ulo, bali sa braso at sugat sa mukha. Wala akong pakialam. Una kong hinanap si Nic. Hindi ako pinayagan umalis nung nurse. Nasa tabi ko si mama. Nakayuko. Hawak ang aking kamay.

Ayon sa balita, nag beat ng redlight yung driver. Umiwas sa patawid na sasakyan at nawala sa lane.
Parehas kaming tumilapon ni Nic. Nabangga lang ako ng sasakyan at tumilapon sa kalsada dahil sa pagkatulak niya. Tatlong sasakyan ang nawasak dahil sa aksidenteng ito. Mawerte daw ako. At si Nic? Siya ang nakasalo ng buong pwersa. Naipit siya sa gitna ng kotse at ng concrete barrier. Kung hindi nya ako tinulak dalawa kaming sumalpak sa bato. Dead on arrival si Nic. Basag ang ilang ribs at pumutok ang ilang organs sa pagkakaipit.

Ayokong maniwala. Kasinungalingan. Kalokohan. Pinilit kong tumayo, pero masakit ang katawan ko.
Pinigilan ako ni mama. Umiyak ako. Wag nyo akong lokohin. Gusto ko lang makita si Nic. Please. Isa lang.
Nagsimula akong mahilo bago ko nakita ang nurse sa tabi ko. Pampatulog. Binigyan nya ako ng pampatulog.
Mabuti. Ayokong magging gising. Isa lang ang tumatakbo sa utak ko. Bakit nila ako niloloko. Mabigat ang puso ko. Masakit ang pag pintig nito sa dibdib ko. Bangungot. Yun lang ang makita kong dahilan, kaylangan kong gumising. Bago ako mawalang ng malay, si Nic lang ang nasa isip ko. Ang gagong si Nic. Gagong Nic. Hanggang sa huli, hindi nagiisip. Bakit hinayaan nya ako magdusa ng apat na taon, at ngayon ay habang buhay? Bakit di nalang niya ako sinama? Bakit hinayaan nya ako makaligtas pa?

Di ko akalaing ganun kabilis ang love story namin. Simula ng lumingon siya habang pumapara ng taxi hanggang sa nakangisi siya sa akin. Ganun lang kabilis.

Madaya ang tadhana. Apat na taon kami magkasama. Pero ilang Segundo lang ang binigay niya para maipakita ang tunay naming nararamdaman. Ito lang ang naiwan sa akin ni Nic. Isang kwento na nasa loob ng isang folder. Isang sulat. Isang kuwintas.

Binuksan ko ang folder.


Ang Libro Natin

Nilipat ko ang pahina at nagsimulang magbasa.

Ako si Nico, Nic for short. Fourth year college sa isang university sa Manila..


Ilang beses ko inulit ulit basahin ang kwentong sinulat niya tungkol sa amin. Pinilit maghanap ng nakatagong mensahe. Pinilit kong ilipat saakin ang mga salitang nasa papel. Pinilit kong angkinin ang katauhan ni Nic na pinahiram nya sa bawat pangungusap. Wala. Wala akong makuha. Si Nic ang nagsulat ng kwentong iyon pero hanggang dun lang. Wala parin si Nic. Hindi ko sya mabuhay. Ni hindi ko mahiram ang boses nya o ang tawa niya na naririnig ko na lamang sa aking imahinasyon. Lungkot at luha na lang ang kaya kong isagot. Isa lang itong materyal na bagay. Kailangan ko si Nic. Kailangan ko ngayon ang yakap niya. Kailangan ko ang mga corny niyang jokes. Kailangan ko ang mahinahon niyang salita, na magiging maayos din ang lahat. Ang sakit sakit ng nararamdaman ko ngayon. Nakbaluktot sa aking kama, yakap ko ang aking sarili. Wala akong magawa. Malamig ang aking mga braso. Sa imahinsyon ko, nasa likod ko lang si Nic at niyayakap ako, pinatatahan ako. Pero malamig pa din ang aking braso. Nasaan ang init na naibibigay ng yakap niya? Nasaan ang kalmadong pakiramdam na naidudulot nya. Nasaan ang marahan niyang pagrarason at pagpapaliwanag sa akin ng problema ko? Nasaan ang bestfriend ko? Nasaan ang mahal ko?....

Ilang linggo pa ang nakalipas bago ko buksan muli ang folder.
Hindi man lang nagkaron ng maayos na ending ang love story namin.

At ito nga ako ngayon at tintype ang mga huling sandali ng aming pagiibigan.

April 23, 2010


Graduation day namin. Burol ni Nic. Nag-alay ang batch namin ng dasal para kay Nic. Kinuha nila akong tagapagsalita.


Hindi lingid sa ating lahat ang nangyaring trahedya kailan lang. Gusto ko magpasalamat sa inyong lahat na nagiwan ng dasal at sulat sa bulletin board na inalay kay Nic.”


Huminga ako ng malalim


Maraming plano ang Diyos. Hindi natin alam kung para saan, pero kailangan natin magtiwala sa kanya. Lahat tayo ngayon na naririto ay nakapagtapos na sa mahabang taon ng pagaaral. Isa sa mga naiisip kong mga rason kung bakit kinuha si Nic ay ibabahagi ko ngayon sa inyo - para siya  ay maging isang inspirasyon sa ating lahat na naririto pa. May pagkakataon pang kamitin ang ating mga pangarap, pagkakataon pa na ipakita sa mga mahal natin sa buhay ang nararamdaman natin, pagkakataon pa para baguhin ang mga pagkakamali natin. Mga pagkakataon na hindi na nakamit ni Nic.”


Tumulo ang luha ko.


Alam nating lahat na nasa kamay ng Diyos ang ating oras dito sa mundo, Ngunit kailanman, hindi natin inisip na baka ang oras na ito ay ngayon na. Na baka sa araw na ito na nagsimula na. Na baka sa araw na ito kung saan naplano na natin ang buong hapon na darating, doon tayo biglang mawala. Gusto kong gamitin ang mga oras na ito upang sabihing, huwag tayo magsayang ng panahon. Sana, hindi natin sayangin ang inspirasyon na iniwan saating lahat ni Nic. Isang alaala na makakapag pabuhay kay Nic sa ating mga puso.


Tumigil ako sa pagsasalita huminga ng malalim at kinalma ang aking boses.


Sa mga naging kaibigan ni Nic. Gusto kong magpasalamat sa inyo. Nang dahil sa inyo ay naging makulay ang buhay niya. Sa mga hindi nakakakilala sa kanya. Si Nic ay isang simpleng tao, na may imposibleng puso. Isang malaking puso na tapat magmahal sa mga nakapaligid sa kanya. Pusong handang magpatawad, maghintay, masaktan. Isang anak na may respeto sa magulang. May takot sa diyos. Astig na kaibigan. Masipag na estudyante. At si Nic, ang taong bumuo ng aking buhay.”


Natigilan ako, ngunit kailangan kong ipagpatuoly.


Apat na taon na ang nakalipas ng una ko syang makilala. Simula noon ay naging matalik kaming magkaibigan, lingid sa kanyang kaalaman ang tunay kong nararamdaman, at lingid sa akin ang sa kanya. Isang buwan bago ang araw na ito, binigay niya saakin ang sulat na ito…


Binuklat ko ang sulat.


April 16, 2010
Susunduin kita sa inyo ngayon. Kakain tayo sa kahit saan mo gusto. Sa huli, aaminin ko sayo ang pinakamasarap at masakit na sikretong malalaman mo. Aaminin ko sayo kung gano ka kaimportante sa akin. At ibibigay ko sayo ang isang kwintas na magiging simbolo ng pagkakaibigan nating dalawa. Magiging masaya tayong dalawa sa araw na ito. Kung ano man ang kakalabasan, bahala na.


Ginagawa ko ang sulat na ito ngayon, dahil dalawa lang ang maaaring kalabasan nito. Una, sabihin mong pareho ang nararamdaman natin. Pangalawa, bibigyan mo ako ng isang malungkot na tingin. Alin man dun ang mangyari, isa lang ang sigurado. Di ako makakapagsalita sa huli. Kaya’t ngayon pa lang gusto ko ng sabihin sayo ang mga nararamdaman ko. Abbie, unang araw ng pasukan. Ikaw agad ang nakita ko. Tahimik ka sa front row. Buhok mo lang ang nakikita ko. Nung humarap ka sakin at nanghiram ng ballpen, dun lang kita nasulyapan. Di mo lang alam, tumigil yung puso ko. Ang corny ko no? Pero totoo. Ngumiti ka noon, Para kang anghel sa lupa. Dun lang ako nakakita ng ganun kagandang ngiti. Maingay noon sa classroom natin, pero sa ilang segundo na yun, Bumagal ang oras at puso ko lang ang naririnig ko, yung ngiti mo, yung mga mata mo, yung boses mo. Para akong nananaginip. Lalo pa nung kinaibigan mo ako. Alam mo ba ang pakiramdam nun? Ni hindi ko mahanapan ng salita kung anong pakiramdam. Hindi kita mapormahan nun dahil sa una palang, alam kong di ako papasa…”


Sa mga oras na ito ay di ko na mapigilang lumuha…tinuloy ko ang pagbasa.


“Abbie, wag mo sanang isipin na niloko kita ng mahabang panahon. Totoo ang pagkakaibigan natin. Inalagaan kita sa paraang alam ko. Di mo lang alam kung gano ako nasasaktan kapag ngkukuwento ka tungkol sa ibang tao. Kung gano ako nagagalit pag nasasaktan ka nila sa huli. Kung gano kita gustong yakapin pag umiiyak ka saakin. Kung gano ako nahihirapan na makitang pumapatak ang luha mo. Kung gano ko gustong sapakin ang mga lalaking sinasayang ang chance nila sayo. Samantalang ako, andito sa tabi mo, nagmamahal ng totoo. Nagsisisi ako na nakilala pa kita. Biro lang!!! Masaya akong nakilala kita Abbie. Masayang masya, lagpas langit.


Abbie, madalas mo kinukwento sa akin yung mga nababasa mong libro. Di ko man mahigitan yung mga linya nilang pinapangarap mo, Pipilitin kong higitan yung love story nila. Dahil Abbie, itong pagmamahal ko sayo, ay pagmamahal na hindi nghihintay ng kapalit. Natatakot ako sa isasagot mo, pero mahal kita. Yun lang. Mahal kita at di ko kailangn na mahalin mo din ako. Malaman mo lang yun, sapat na sakin. Ang pag-ibig na to ay handing palayain ka kung kinakailangan.


PS. Kung di mo ako sasagutin, magpapakamatay ako. Pero kung sasagutin mo ako, pwede na akong mamatay. Hahaha. Pareho lang e noh? Biro lang! I Love You.


-Nic




Sinara ko ang sulat.


Sa lahat na naririto ngayon. Huwag kayong umiyak. Sinisigurado ko sa inyong sa huling sandali ni Nic, nagging masaya kami. Ilang Segundo lang, pero nakita ko sa mga mata ni Nic ang tunay na saya. Ayoko na sana ibahagi sa inyo ang personal kong ala-ala kay Nic, ngunit gusto kong makilala ninyo siya. Gusto kong kayo na ang humusga kung anong klaseng tao si Nic. Gusto kong ang maiwan sa inyong ala-ala ay hindi ang naaksidenteng batchmate nyo. Gusto kong maalala ninyo, ay ang mapagmahal na Nic,Mapagbirong Nic, Masayahing Nic, Palangiting Nic. Dahil ito ang gusto niyang maiwan sa puso nating lahat. Oo Niligtas ni Nic ang buhay ko. Pero hindi yun noong tinulak niya ako palayo sa sasakyan. Niligtas niya ako, apat na taon na ang nakalipas."


“Nic, kung nasaan ka man ngayon, salamat at binigyan mo kaming lahat ng bukas na puso at isip. Salamat sa inspirasyong iniwan mo saaming lahat. Hindi ka namin makakalimutan. Mahal ka namin Nic. mahal na mahal kita..”


Burol ni Nic. Nakatayo ako sa tabi ng mama at papa niya. Naubos na ang aking luha. Wala na akong emosyong kayang ilabas. Ni hindi masasalin sa salita ang nararamdaman ko ngayon. Nasa taas ng langit ang utak ko, lumilipad. Wala akong maisip. Sumasabay sa alon ng hangin. Ibinababa na ang kabaong ni Nic. Isa isang lumapit ang mga tao at binato ang kani kanilang puting rosas. Nakayuko lang ako at nakapikit. Tumayo ako sa kinauupuan at lumapit kay Nic.


“Salamat dito ha? Ibabalik ko sana sa iyo, pero di ko makakayang mawala saakin ang pinakaimportanteng ala ala mo. Ipangako mo saakin na magkikita tayong muli sa kabilang buhay. Dun ko ibabalik sayo yung kalahati.”


Hinwakan ko ng mahigpit ang takip. Tuloy tuloy ang luha ko. Walang paglagyan ang sakit na nararamdam ko ngayon. 
Humangin ng malakas, at doon sa mga oras na iyon inlaglag ko ang isang red ballpen. 
Ang ballpen na simula ng lahat…..




Written By: Cherry Franco and Cathrene Joseph

5 comments:

  1. wala akong masabi.. Ay! mali.. wala akong maisip na salita na aakma at makakapagpaliwanag sa naramdaman ko pagkatapos kong mabasa yung kwento na'to. Di ko rin alam kung paano ko napadpad sa site na to.. pero sulit yung 15 minutos na ginugol ko sa pagbabasa nito.. Graaabee..! Naramdaman ko talaga.. tinamaan ako sa kwento na'to.. hindi ako emosyonal na tao at lalong hindi ako bakla(no offence sa mga gays)..pero parang naiiyak ako.. :D hahaha. Out of imagination mo lang ba or based from real-life yung story? Anyway,ang ganda..sooobraaa..! :)) pa-add po sa fb,kung ok lang. mhiko7@yahoo.com

    ReplyDelete
  2. Thankyou pooooo XD Naapreciate ko ang comment mo :) Out of imagination lang po yan, Thanks ulit. Godbless you :)

    ReplyDelete
  3. Nice! Medyo na teary eyed ako ha. :)Anlawak ng imagination. Keep it up. :D

    ++Medyo naging magulo lang sa kung sino ang ngkkwento, but okay na okay pa din. Thumbs up!! :)

    ReplyDelete
  4. Thankyou po!:) At oo nga po, may nagsabi nadin sakin nyan, medjo nalito kung sino na yung nagsasalita. Thanks for the time :)

    ReplyDelete
  5. grabe. naiyak ako, maisip ko panu kung sakin nangyari yan.. hayyy..

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.